Pumunta sa nilalaman

Mga Selta

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang mga Selta (Ingles: mga Celt) ay isang malaking pangkat ng mga tribong Caucasiano sa Europa na unang lumitaw noong Kaagahan ng Panahon ng Bakal, humigit-kumulang sa 1200 BC sa Austria. Nagmula sila sa Hallstatt at mga La Tène. Ang kanilang kultura at mga hene ay lumaganap sa karamihan ng mga bahagi ng Europa, at sa pagsapit ng panahon ng paglitaw ng mga Griyego at pagdaka ng mga Romano, ang Mga Pulong Britaniko at mga bahagi ng kanluran, katimugan, at silangang Europa ay mga Seltiko (Celtic) na - ang pinaka maraming mga tribong Seltiko ay dating nasa Gaul. Ang mga Selta ay nagsasalita ng mga wikang Seltiko. Sa kasalukuyan, ang mga wikang Seltiko na nananatili pa ay ang Breton, Cornes, Welsh at ang mga Gaeliko (Goideliko).

Ang lipunan at teknolohiyang Seltiko, bagaman hindi kasing masulong ng mga Romano, ay hindi primitibo para sa kapanahunan nito. Namumuhay ang mga Selta sa isang uri ng pamumuhay na nakabatay sa mga kodigo ng etika at mga kodigo ng karangalan at nakapagpaunlad ng isang kulturang pansarili na puno ng namumukod-tanging mga larawan o pagguhit, mga eskultura, mga alahas, kuwentong-bayan, at mga disenyo at mga teknika sa pagtatayo ng mga gusali. Mayroon din silang kasanayan sa pagpapanday, pagsasaka at diplomasya.

Ang mga mandirigmang Seltiko ay magsusuot ng mga pinturang pandigma at tatangkain nilang takutin ang mga kalaban nila sa pamamagitan ng pagsigaw ng mga sigaw na pandigma. Maraming mga tribo ang mayroong iba't ibang mga pamantayan na pangkasuotan para sa labanan, may ilang mga mandirigma na nagsusuot ng mga tanikala at/o mga baluting katad, ang ilan ay nagsusuot ng mga damit lamang at mayroong ilan na nalalamang nakikipaglaban na nakahubo't hubad. Mayroon din silang pansariling uri ng espada na napakatibay at isang kalasag na talagang nakakapananggalang. Nang magsimulang lumaganap ang Republikang Romano, naging marahas sa isa't isa ang mga Galo at ang mga Romano at nagsasagupaan sa maraming mga pagkakataon; subalit, sa paglaon ay nagapi rin sila ng mga Romano at humantong na nasakop ng mga Romano ang halos lahat ng mga tribong Seltiko sa Europa at pinamunuan sila hanggang sa pagbagsak ng Imperyong Romano. Nag-aaway-away din sa isa't isa ang mga tribong Seltiko. Pagkaraang magwagi sa isang labanan, pupugutin ng mga Seltiko ang mga ulo ng kanilang mga kaaway at dadalhin pabalik sa kanilang mga tahanan.[1]

Noong panahon ng pagbagsak ng Imperyo ng Roma, karamihan sa mga dating lupain ng mga Selta ay humantong na napamunuan ng mga nandarayuhang mga tribong Hermaniko at sumanib sa mga lahing Romano-Seltiko (mga tao na kapwa mayroong mga ninunong Romano at Seltiko) upang sa paglaon ay bumuo ng ilang mga bansang Europeo ng pangkasalukuyang kapanahunan, katulad ng Pransiya. Ang mga teritoryong itinuturing pa rin bilang Seltiko ay ang Irlanda, Gales, Iskotlandiya, Pulo ng Man, at Britaniya (huwag ikalito sa Britanya).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  翻译: