[OPINYON] Feb-ibig

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Feb-ibig
Ngayong linggong ito muling ipapaalala sa ating mahal ang magmahal, na magastos ang manifestation ng pag-ibig, lalo iyong may ebidensyang kailangang mai-share sa social media

 

  Sisimulan ko sa literary reference. Dahil ilan lang ba ang nakabasa ng nobelang Love in the Time of Cholera ni Gabriel Garcia Marquez?

Kaya hindi ko na lang papamagatang itong espasyong ito ng “Love in the Time of Novel Coronavirus” – baka hindi epektibo ang allusion ko, bagamat sa literal na antas, oo nga naman, Pebrero, buwan ng tradisyonal (at ikinakalakal) na pag-ibig, at laganap ang sakit na sana ay maapula na ang pagkalat.

Kung nagpapatawa ako, isusulat kong pareho namang novel ang Love in the Time of Cholera at coronavirus, at isang uri rin naman ng sakit ang love. ’Buti na lang, seryoso akong tao. 

Kaya heto na lang muna ang pamagat: “Feb-ibig.”  

Sa linguistics, isang blend word ang “Feb-ibig” mula sa mga salitang “February” at “Pag-ibig.” Tutal mahilig din lang ang henerasyong ito sa neologism sanhi ng malaganap na paggamit ng teknolohiya at social media.  

Mula pa noong pumasok ang Pebrero, sangkatutak nang reference sa Valentine’s Day ang nababasa ko. Mabuti ito. Pambalanse sa nakagigimbal na usapin ng nCov, ang kahambugan sa ipasasarang network, at masisidhing pronouncement ng pinakamatataas – huwag nang pag-usapan kung matatas, as in articulate – na pinuno ng bansa na epekto ng nakanselang US visa ng kung sinong importanteng senador na hindi na makakanood sa Las Vegas ng laban sa boksing ng isa pa rin nating senador.  

Kumakalat ngayon sa aking news feed ang karaniwang sentimyento sa kesyo ay kawalan ng pag-ibig o gastos sa pag-ibig, kaakibat ng mga nagpapatawa at nagpapatamang meme. Bakit ba kasi kailangang magastos ang manifestation ng pagmamahal tuwing Valentine’s Day? Nagkakaroon tuloy ng preconceived notion na mahal magmahal. Mahal at ma-traffic, lalo na sa gawi namin sa Dangwa ng Sampaloc, Maynila, ang epicenter ng flower trade sa Kalakhang Maynila, na malapit sa matandang unibersidad, kung saan ako nagtuturo ng karunungang itim.

Salamat sa aking friendly neighborhood search engine, nausisa kong wala naman palang direktang ugnayan sa pagitan ng santong si San Valentino at ang ritwal ng pagdiriwang ng araw ng mga puso at pag-ibig tuwing February 14. Pero, heto na naman ang isang literary reference nang maisulat daw ng makatang Ingles na si Geoffrey Chaucher ang tula tungkol sa “Valentine’s” noong ika-14 na siglo, kaya naiugnay ang araw sa pag-ibig. (O, ha? Kanina, nobela; ngayon, tula naman.)

Dito raw sa tulang “The Parlement of Foules” galing ang simula ng Valentine’s Day. Savor the lines:

For this was on seynt Volantynys day
Whan euery bryd comyth there to chese his make.

Oo, ganyan pa ang spelling sa Ingles noong panahon ni Chaucer. 

Bueno, ang ritwal ng pag-alala at pagbibigay ng regalo sa araw na ito, Valentine’s Day, na naging moda na ng pangangapital at komersiyo, really, ay ginawa muna ng mga Irish at Ingles. Mula sa mga pandarayuhan at pagbubukas ng ibang bansa sa mga dayuhan, lalo’t kaygagaling nating umangkop at umampon ng kultura ng may kultura, nakuha natin ang okasyon ng Valentine’s Day. 

Sa madaling salita, kaya tayo may Valentine’s Day ay dahil dumating sa bansa natin ang okasyong ito mula sa mga bansang Kanluranin, iyong bansang mahilig magbasa ng mga tula ni Chaucer na mahirap ispelingin. Impluwensiya. Kaya rin tayo may Mother’s Day tuwing Mayo at Father’s Day tuwing Hunyo. Kaya may Easter egg hunt at Easter rabbit na rin tuwing dapat sana ay Pasko ng Pagkabuhay ng tradisyon at pananampalatayang Katoliko. Kaya puro na lang trick or treat ng paslit sa kinupkop na nating Halloween na bumura sa pangangaluluwa tuwing sasapit ang November 1. 

Hindi ako magmamalinis. Minsan na rin akong gumastos ng baon ko sa kolehiyo para sa nililigawan ko. Sukdulang magutom at maglakad pauwi dahil naubos ang pamasahe para ipambili ng maayos-ayos na Valentine’s Day card. Sa mga mambabasang Gen Z, ang Valentine’s Day card ay iyong kartong may print na magagandang larawan, nakatiklop, at sa loob, may mensahe na, nakasulat sa maganda at maarteng font, lalagyan mo na lang ng Dear <insert ang pangalan ng nililigawan> at siyempre pangalan ng nagpadala. Puwede ka ring magsulat ng mensahe kung hindi ka tinatamad.

(By the way, napangasawa ko ang nililigawan kong binigyan ng Valentine’s Day card. Maisingit lang, 16th wedding anniversary namin ngayong Pebrero. Niligawan ko siya at sinagot niya ako nang hindi ko ini-status – wala pa kasi noon, abacus pa lang ang gadget ko.)  

Hindi ko naman pera ang gagastusin, kaya, in the end, bahala pa rin kayo. Kaunting payo lang: kung gagasta rin lang para manood ng sine, bulaklak, o pagkain, iyon nang sa maliliit na namumuhunan para lumusog ang ekonomiya nating dinudurog ng takot at pag-iingat laban sa coronavirus. Kung hindi rin lang maiiwasan ang lumabas at makihalubilo, sa concert halimbawa, sundin ang bilin ng Department of Health at World Health Organization. 

Kung magreregalo, doon na sa kaliwa’t kanang nag-aalok sa social media ng kanilang homemade products, tulad ng pastry, tinahing stuffed toys, tinatakang magkapares na kamiseta o couple shirt sa millennial speak, at marami pang iba. Maraming gagasta kaya marami ring kikita, na sana’y hindi lang dambuhalang malls o multinational corporations. Uulitin ko, bahala kayo kung tutumbasan ninyo ng regalo at materyal na bagay ang inyong pagmamahal.  

Kung walang pera, gumawa ka ng kanta o kantahan mo ang iyong minamahal. Sumulat ka ng mensahe sa papel, at tawagin mong tula. Siguraduhin mo lang na mababasa, hindi gaya ng tula ni Chaucer. 

Seriously, mas mahal mo ba kapag Ferra… Farre… Ferro… basta yung mahal na tsokolateng nakabalot sa palarang kulay ginto na nasa plastic case na korteng puso ang regalo mo, kesa sa papaliit nang papaliit na Flat Tops? Hindi naman yata. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
  翻译: